TEA (Tsaa)
Sa palagay ko, nagmula ang salitang tsaa sa Tsinong salita na 茶 (Chá) (nagsasalita ako ng Mandarin kaya ang sarili ko ang pinagmulan ng impormasyon na ito.) Ayon sa aking guro sa araling panlipunan noon, sa Tsina nagmula ang mismong produkto na ito kaya kumbinsido na ako na iyon ang etimolohiya ng salitang tsaa. Base rin sa aking kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas, nakipagkalakalan ang mga Tsino at mga Pilipino bago pa man dumating ang mga Kastila kaya masasabi ko na naihalo na ang produkto na ito sa ating kultura mula sa kultura ng mga Tsino. Masasabing matagal nang nakaimbag sa ating mga kukote na ang tsaa ay isang inuming natural at nakabubuti sa ating mga katawan- isang paniniwala ng mga Tsino.
Dahil naganap ang aking pagkabata sa panahon na tinaguriang “Age of Information,” ang naging libangan ko ang paggamit ng iba’t-ibang makabagong teknolohiya tulad ng mga kompyuter, telebisyon at iba pa. Kasama ng pagtaas ng iba’t-ibang kaso ng krimen sa lipunan, naging limitado ang aking karanasan sa mundo sa labas ng aking bahay. Dahil dito, hindi ako masyadong nakapagehersisyo. Marami na ring mga balita tungkol sa iba’t-ibang bagay tulad ng polusyon at iba pang bagay nakakasama sa ating kalusugan. Dahil dito, alalang-alala ang mga magulang ko sa aking kalusugan kaya itinaguyod nila ang pagkain at pag-inom ng mga masustansiyang bagay lamang. Sinabihan din nila ako na kinailangan kong unimon ng mga Tsinong gamot at sinubukan nilang palitan ang aking paraan ng pamumuhay.
Marahil na hindi lamang ang aking pamilya ang nagkaroon ng kamalayan tungkol sa tinatawag na healthy lifestyle. Dahil dito, biglang dumami ang iba’t-ibang produkto tulad ng brown rice (yung para sa mga ayaw tumaba), ampalaya pills (sabi ni Robin Padilla, ito’y para sa mga liver-lovers) at pati na rin mga low-fat na kung anu-ano. Ngunit, para sa akin, ang pinakalumaganap na produkto ay ang tsaa.
Kung bibisitahin ng isang taong nasa loob ng ating bansa ang pinakamalapit na tindahan sa kanyang paligid, ang unang makikita niyang produkto maliban sa mga soft drinks ay ang kung anu-anong tea. Sa panahon ng aking pagkabata nangyari ang transisyon mula sa mga dyus tulad ng mga Zesto at Sunkist sa tetrapack patungo sa paglaganap ng mga “tsaa” tulad ng C2, Nestea, Lipton at ang pinakabagong Real Leaf. Kapansin-pansin din ang pagpalaganap ng iba’t-ibang tindahan ng Milk Tea tulad ng Serenitea, Teatap, Bubble Tea, Share Tea at iba pang tea tea. Pare-pareho lang ang mga slogan nila- “Tsaa ito, masarap at masustansiya” Bagama’t alam ko naman na tadtad ng asukal ang mga produkto na ito, binibili ko pa rin ito dahil masarap nga ito, kahit na hindi ito masustansiya.
Ngunit, bakit binibili ko ang mga produktong may tatak na tea kaysa sa mga ordinaryong dyus na masmura? Hindi naman ito yung tsaa na masustansiya eh- parang dinagdagan lang ng kaunting dahon na pinokpok at inihalo sa dyus para masabing tsaa ang mga ito. Maaaring biktima ako sa pag-alinsunod tulad ng marami sa ating mga Pilipino. Binibili ng mga Pilipino ang mga produkto na uso dahil iyon ang binibili ng lahat ng tao. Hindi na uso ang pagbili ng mga dyus dahil ang mga tsaa na ang naging masustansiya base sa ating kaalaman. Minsan, kung ayaw na talaga lumaban sa kung anuman sinabi ng media, lubos na pinapaniwalahan na talaga ang mga sinasabi nito- ang mga iba’t-ibang ads na nagsasabi na nakabubuti ang tsaa sa katawan. Kung gagamitin ang ehemplo ng Milk Tea, ito ay pinaghalo na 1/3 gatas, 1/3 tsaa at 1/3 asukal, ngunit ang salitang Milk Tea ay nagiging representasyon ng isang inuming tsaa na may calcium para sa ating buto. Ito ang naging kamalayan noong panahon ng aking pagkabata dahil mahina pa ang internet kaya hindi maiberipika ng tao ang mga ipinapahayag na impormasyon ng mga radyo at telebisyon. Dahil nagtratransisyon palang ang mga mamamayan patungo sa paggamit ng makabagong teknolohiya, punung-puno ng kawalang-katiyakan ang ating mundo, at lumaki tayong uto-uto.
Ayon sa aking PSY 101 na klase, may apat na sanhi kung bakit kumakagat ang mga tao sa isang produkto at pinapakita nito kung bakit mapaniwalain ang mga Pilipino.
1,) Ang tagapagpalaganap ng impormasyon: kinakailangan nitong mapagtitiwalahan at makatotohanan. Base sa ating kasaysayan, masunurin ang mga Pilipino at hindi nito masyadong lumalaban sa awtoridad (Kinailangan ng 300 na taon ng pagmamaltrato bago natin nakayanang gumawa ng rebolusyon laban sa mga Kastila). Ang Katolikong Simbahan parin ang isa sa pinakamaimpluensiyang entity sa ating bansa at isa rin dito ang media. Hindi natin masyadong kwinekwestiyon ang awtoridad ng mga awtoridad.
2,) Laman ng mensahe: Kinakailangang madaling intindihin at maganda ang nilalaman. Ipinapasok lang ng mga malalaking kumpanya ang pagka-tsaa ng kanilang matamis na produkto at kakagat na ang mga tao.
3,) Mga Tagapagpanood: Masunurin ang mga Pilipino sa awtoridad.
4,) Paraan ng pagpapalaganap: Dito pumapasok ang makabagong teknolohiya na isinamba ng lipunan noong panahon ng aking pagkabata
Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang mga tao sa kung anu-anong mga mahiwagang bagay, kung bakit kumbinsido ang marami na si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay isang masamang pangulo dahil sa kanyang kaso ng katiwalian bagaman maganda naman ang mga patakarang pang-ekonomiya, kung bakit galit ang mga tao kay dating pangulong Marcos kahit na hindi pa kaming pinapanganak noong martial law, kung bakit kinakailangan nating gumamit ng sabon na nagmula sa papaya para gumanda ang ating kutis at kung bakit pinapaniwalahan ng mga tao na masustansiya nga ang iba’t-ibang produktong may tatak na tsaa.
Ipinakita rin ng aking SCI 10 na guro ang isang artikulo na naglalaman ng isang pananaliksik na ang mga Pilipino ang pinakamapaniwalain na tao sa mundo ayon sa Harvard University. Nang sinubukan kong patunayan ito, lumabas na peke pala ang impormasyon na ito at naloko ang aking SCI 10 na guro- isang ehemplo lamang na nagpapatunay ng aking punto.
Kung ikaw ay isang taong nagsisikap na maging isang matagumpay na negosyante at nais mong gumawa ng isang produktong kagigiliwan ng maraming Pilipino, lumikha ka ng masarap na inumin at lagyan mo ng kaunting dahon para maituring ito bilang tsaa at huwag kalimutan na bigyan diin ang pagka-tsaa nito at ang pagkamasustansiya ng tsaa. Para sa akin, ang tekstong “Tea” o tsaa sa iba’t-ibang produktong tadtad ng asukal, ang pagpalaganap nito bilang isang masustansiyang inumin, at ang pagkagat ng milyon-milyong Pilipino sa paraan ng pagbili ng mga produktong ito ay nagpapakita ng paraan ng pagiisip ng mga tao sa lipunan.
(Sa totoo lamang, sa kolehiyo ko lamang natutunan na pagdudahan ang mga natutunan ko mula sa aking mga karanasan, sa aking mga guro, sa media at internet. Bagamat ipinagpala ako ng magandang edukasyon, maraming Pilipino ang lumalaking uto-uto kaya sana maging pursigido rin sila sa paghanap ng katotohanan.)